Pag ang tao pinakikinabangan natin, lahat ng panuyo at magandang papuri ibinibigay natin sa kanya. Pag ang tao nakagawa sa atin ng kabutihan, napakarami nating ibinabalik na parangal --- siya'y napakabait, napakamaalalahanin o napalamatulungin. Sa lahat ng mga nagawang tama ng isang kaibigan, kakilala o kahit isang estrangero, ang nakikita natin ay ang naging mabuting dulot nito para sa sarili natin. May silbi ang taong ito, at ninanais pa natin na sana patuloy siyang makagawa ng kabutihan.
May mga tao naman na sa kabila ng ibinigay mo na ang lahat, hindi pa rin nasisiyahan. Hindi niya nakikita ang naging epekto nito sa kanya. Minsan nga buhay na ang ipinagkaloob, parang bale wala pa rin. Iniaalay mo ng buong puso ang iyong pag-ibig, pero bakit parang may hinahanap pa, bakit parang nakukulangan pa.
Hanggang kailan ang sukdulan ng ating kasiyahan? Ganyan din sa ating Panginoon. Lumalapit lang tayo sa Kanya pag may kailangan, pag wala na tayong takbuhan at wala nang madaingan. Sa mahiwagang paraan sinasagot Niya ang ating mga daing, tinatanggap Niya ang ating mga papuri at pasasalamat. Yun eh kung nagpapasalamat talaga tayo. Nagpapasalamat tayo sa lahat ng buting ibinigay nya. Pero hindi sa lahat ng masama at problemang dinadanas natin. Minsan kailangan dumaan tayo sa mga pagsubok para mabatid natin na ito pala ang sinasabi kong mahiwagang sagot ng Diyos. Kung hindi natin malalagpasan ang pagsubok hindi natin malalaman ang ating kakulangan at kahinaan.
Sa panahon na tayo'y malakas, masigla at sagana nagpapasalamat tayo, pero sa panahon ng pighati, kalungkutan o paghihirap -- kulang na lang sumbatan natin Siya. Kung bakit ginawa naman nating maging mabuting lingkod Nya, pero bakit natin dinadanas ang hindi natin gusto o hindi natin gustong mangyari sa mga mahal natin.
Ang Panginoon sa ating paglapit sa Kanya, ay nagpapasalamat na, "Hay! Salamat na lang anak at naalala mo Ako." baka ang nasambit Nya. Sa ating pagdarasal, maikli o mahaba isa lang ang ninais Nya ang maging malaya at bukas ang ating isipan sa iniaalay Niyang pag-ibig sa ating lahat. Kaya sa anu pa man pagdurusa, pagkabigo, pagkabasag at maging kasiyahan, tagumpay at kaluwagan ng puso maging mapagsalamat, walang oras at walang pagkakataon. Parang bahagi na nang ating buhay, parang umiinom na lang ng tubig at naglalakad sa daan, na ang nasasambit natin ay salamat sa Diyos, sa pagiging kaagapay namin sa lahat ng pagsubok.
Sunday, October 17, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)